CRIES AND WHISPERS: "MGA NABABAHALANG EMPLEYADO NG MARELCO"

(Source: kuryentewatch@yahoo.com and forwarded to this blogger by nvmagturo@yahoo.com.)

Marelco cannot possibly escape scrutiny particularly on financial matters, and when concerned employees of the electric cooperative begin to speak about issues familiar to them, then that deserves our full attention. Emailed message addressed to Marelco's Member Consumers follows:

"Para sa Kaalaman ng Mga Member-Consumers ng MARELCO;

Sa darating na February 3 & 4, 2010, sa MARELCO Conference Room itinakda ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang pagdinig (hearing) hinggil sa petisyon ng Marelco na magtaas ng taripa ng kuryente na sisingilin sa ating mga consumers. Isa na namang malaking pasanin para sa ating naghihirap ng mamamayan.

Ang layunin daw ng naturang petisyon ay upang mapunan ang malaking kakulangan na pangtustos sa operasyon ng MARELCO dahil daw sa hindi na sapat ang kasalukuyang taripa, kung kaya ilang beses na napuputulan ng Napocor. Ito ay isang malaking kasinungalingan sapagka’t sapat naman, kung ginagamit lang sa tamang pamamaraan ng paggastos at wastong pangangalaga ng financial operation ng kooperatiba, at tamang pangangasiwa sa pangkalahatan.

Sa madaling salita, MISMANAGEMENT.

Bakit nga baga kinakapos sa pangtustos ng operasyon?

1. Maliban sa power cost o pambayad para sa nakunsumong kuryente mula sa supply ng NAPOCOR, pangalawang malaking porsiyento ay napupunta sa pambayad sa mga pagkakautang sa NEA (National Electrification Administration), na kung saan ang mga ito ay meron ng post-dated checks na pinopondohan ng P17 Milyon kada buwan (ang lahat nag ito ay nakatala sa Marelco News noong September 2007). Kabaliktaran sa ipinahayag sa Pulso noog September 2009. Saan nga ba ginamit ang mga naturang loans na ito?

a. P 15.2Milyong “Working Capital Facility Loan”, na inilaan sa pambayad ng power bill sa NAPOCOR. Ang tanong, saan napunta ang kinolekta sa mga consumers na bahagi ng tinatawag na generation cost?

b. Utang na pinambili ng mga bagong sasakyan kabilang ang isang SUV (Isuzu Crosswinds) na pansariling ginagamit ng ating General Manager.

c. Utang na humigit-kumulang sa P7M na ginastos para sa construction ng tinatawag na inter-looping of lines o pagdugtong ng linya ng primary lines mula Torrijos hanggang Buenavista. Diumano, ito daw ay upang maipababa ang System’s Loss. Subalit halos apat (4) na taon ng tapos ang naturang proyekto hindi bumababa ang systems loss na umaabot ng 18% - 23%, samantalang ang systems loss cap o iyong pinapayagan lamang ng ERC na singilin sa ating konsumidor ay 14% lamang. Ibig sabihin, may nawawalang humigit kumulang sa 4% - 9% revenue o kita na dapat sana’y pambayad sa mga utang na ito.

d. Maliban sa halos P7M na nabanggit, gumugol din ang Marelco ng humigit kumulang P19M na inutang din sa NEA para sa construction naman ng 5MVA substation na itinayo sa Cagpo, Torrijos, upang maibaba din daw ang systems loss. Subali’t, mula ng ito ay matapos, my limang (5) taon ng nakakaraan, ganoon pa din ang systems loss, sa kadahilanang, hindi naman ito ginagamit. Ang nakakabahala, unti-unti na itong kinakalawang, sa kabila ng napakalaking halagang ginugol dito.

e. Ang pinakahuling pagkakautang ay para din daw sa systems loss reduction na humigit-kumulang sa P2M. Ito ay para sa construction ng tinatawag na “grounding transformer” na hindi maunawaan ng karamihang empleyado. Subalit, my ilang buwan na din itong natatapos, pero hindi naman magamit sa kadahilanang ang mga naturang lumang transformers na binili mula sa Elephant Island ay depektibo ayon sa report ng Technical.

Ito ay dulot ng walang tuwirang direksiyon sa pagpapatakbo ng kooperatiba. MISMANAGEMENT nga na masasabi. Walang kaukulang pag-aaral na kung ano talaga ang nararapat na pagkagastusan kagaya ng systems loss na palagi na lamang sinisisi ay Napocor.

2. Mga hindi karapat-dapat na gastusin na dapat sana ay para sa pagsasayos ng serbisyo.

a. Pagbabayad ng mga penalty sa NPC, BIR, ERC, at marami pa, dahil sa kapabayaan ng kasalukuyang management kabilang ang mga Board of Directors.

b. Mga libreng celphone at load ng mga Board of Directors.

c. Mga legal fees, o paggastos sa mga kaso o usapin na kinabibilangan ng 3i power case, labor cases at kung anu ano pa na ang mga kadahilan ay kapabayaan at kapritso ng ilang kawani at Board of Directors.

d. Paggugol ng humigit kumulang sa P700,000 para sa Lineman’s Training Course na kung saan ang my kontrata o trainors ay mga dating kawani ng NEA. Isang malaking katanungan at pagtataka kung bakit gumastos ng ganoong kalaking halaga ng wala naming pakinabang ang kooperatiba. Sa loob ng napakahabang panahon simula ng itinatag ang Marelco, ang naturang gawain ay isinisagawa ng Marelco sa pangangasiwa at pangangalaga ng Technical Dept. Ano nga ba ang tunay na motibo? Kung tutuusin, wala naming pinagkaiba. At sa katunayan, napakarami ng mga Marelco-trained Lineman ang nagkaroon ng magandang buhay sa pagtatrabaho sa abroad.

3. Lumalaking pagkakautang sa NPC na ang ugat lamang ay maling disposisyon sa paghawak ng usapin tungkol sa orihinal na P1.2M na FCA sinisingil ng NPCna umaabot na sa ngayon ng mahigit P10 Milyon. Isang kapalpakan! Na kung tutuusin, ang halagang ito naman ay nakolekta na mula sa mg consumers

4. Ang usapin hinggil sa hindi maipaliwanag na pag gamit ng P47M VAT na diumano ay ginamit sa pagsasaayos ng linya na sinalanta ng bagyong Reming. Isang napakalaking kasinungalingan, sapagka’t nagbigay ang NEA ng P32M grant para dito.

5. At sa kasalukuyan, ang Reorganization ng Marelco, na kung saan ito ay manangahulugan na naman ng karagdagang gastusin para sa Marelco. May mga pagbabago sapagka’t tataas ang sweldo ng mga empleyado. Subalit ang higit na nakababahala ay ito’y wala naming tuwirang epekto upang maisaayos ang sistema. Bagkus, nagdulot pa ng demoralisasyon sa nakararami. Isang programang layunin lamang ay magpasok ang mga Board of Directors ng kani-kanilang tao sa mga bakanteng posisyon, kahit na hindi kuwalipikado at walang karanasan.

Sa kasalukuyan, marami ng empleyado ang nagretiro subalit hindi pa nakakatanggap ng kaukulang retirement pay.



Mga minamahal naming mga member-consumers. Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga bagay-bagay na nais naming iparating sa inyo. Ang pagtataas ng taripa ng kuryente ay napakalaking pasanin para sa ating lahat.

PAPAYAGAN BA NATIN NA ANG KAPABAYAAN AT MISMANGEMENT NG MARELCO AY TAYO ANG MAGPASAN at MAGHIRAP? Kung nagawa po ng mga concerned member-consumers na mag-rally dahil sa nangyaring brownout ng nakaraang taon, mas nararapat na TUTULAN ANG GANITONG PANGMATAGALANG PAGHIHIRAP DULOT NG MATAAS NA KURYENTE. Atin pong labanan ang anumang baluktot at di makatwirang pagtataas ng taripa na hinahangad ng management. Magtungo po kayo sa Pebrero 3 at 4, 2010 sa Marelco upang tutulan ang nakaambang pagpapahirap na ito.

Sa mga kinauukulan lalo na sa Energy Regulatory Commission (ERC), inyo pong busisiin mabuti ang naturang petisyon lalo na ang my kinalaman sa katatayuang pinansiyal at technical. Makatwiran ba na tayong mga consumers ang maghirap dahil sa kanilang kapabayaan? Sapat lamang po ang kasalukuyang taripa kung maayos lamang ang pamamahala ng Marelco.

MGA NABABAHALANG EMPLEYADO NG MARELCO"

No comments:

Post a Comment

Followers