"Marinduque: Pinaka-gitna ng 'Pinas"

Marinduque: pinaka-gitna ng ‘Pinas

ni Eli J. Obligacion, Reprinted mula sa “The Weekly Marinduque”, November 16-22, 2007.





Noong 1995, inatasan ako ni Gov. Bong Carrion na gumawa ng tourist brochure para maipamahagi sa mga bisitang dumarating dito. Sa paglalarawan ng lokasyon ng Marinduque ginamit ko ang phrase na “it’s right at the very center of the Philippine archipelago”. Nabasa ito noon ng kaibigan kong si Charlotte Schoneman, isang PCV, at minungkahi niyang palitan ko ng “smack center of the Philippine archipelago” para raw mas descriptive. Kaya iyon na nga ang ginamit namin.



Sa promosyon ng turismo siyempre, dapat ilahad kung ano ang mga bagay na kakaiba sa isang lugar na hindi maaangkin ng iba. Ang claim ng pagiging sentro ng lalawigan noong mga panahong iyon ay dala lamang talaga ng hangarin na mailagay ang Marinduque sa gitna ng mga usaping pangturismo.



Subalit makaraan ang higit sa isang dekada, makaraang pumaimbabaw na nga sa bawat sulok ng daigdig ang mga makabagong teknolohiya, mas mabilis na komunikasyon, impormasyon, at dito ay Internet nga ang pinaka-kamangha-manghang imbensyon ay ito ang biglang lumitaw:



Ang pag-ako na ang pagiging pinaka-gitna ng Marinduque sa mapa ng Pilipinas ay may siyentipikong basehan. Higit sa lahat, dokumentado ang katotohanang ito sa makakapal na opisyal na research documents, at scientific papers na nakatago sa mga aklatang pandaigdig!



May marker pa.



Lumitaw din na halos isang-daang taon na ang nakakaraan ay natuldukan na kung saan mismong lugar sa Marinduque ito matatagpuan; na noon pang 1911, ay tinayuan pa ito ng marker ng mga banyagang geologists! At naroron pa rin ang marker hanggang ngayon, napaglimutan na sa mahabang panahon, at natabunan na ng mga elemento at higanteng mga damo! Pero naroon!



Alam naman natin na sa loob ng kung ilang siglo, gamit ang mga sinaunang compass o galaw ng mga tala at bituin sa langit, nakarating sa Pilipinas ang mga Tsino noong ika-10 siglo, ang mga Muslim noong ika-15 siglo sa katimugang bahagi, at nadiskubre nga ni Magellan ito noong 1521. Sinakop ito ng mga Amerikano noong 1898, at sa usapin ng geodetic surveys, mahalaga sa sino mang mananakop, ay dito na nga nagsimula ang mahabang proseso ng pagmamapa sa bawat sulok ng Pilipinas – at ang pag-identify sa sentro ng Pilipinas.



Kaugnay pa ring marker sa Datum Station Balanacan.





USC&GS



Sistematikong trabaho ang isinagawa ng U.S. Coast ang Geodetic Survey (USC&GS), mula 1901-1942. ‘Datum’ ang tawag sa sistema ng pagtatalaga ng specific points sa ellipsoid (matematikong modelo ng sukat at hugis ng mundo), sa pamamagitan ng pag-gamit ng latitude at longitude. Ibat-ibang datum ang itinayo ng mga siyentipiko sa ibat-ibang lugar sa Pilipinas (‘Astro stations’): Bancalan Island, Cagayan Sulu Island, Davao, Iligan, Misamis Oriental at Zamboanga sa Mindanao; Legaspi at Vigan sa Luzon; Ormoc, tacloban sa Leyte Island, at Iloilo sa Bisaya. Ilan lamang ito sa halos sabay-sabay na datum na isinagawa ng mga Amerikano, subalit dahilan sa lawak ng kalupaan at karagatan mula Luzon, kalagitnaan ng Pilipinas, hanggang Mindanao ay kinailangang gumawa ng bagong datum, ina ng mga datum.



Ang resulta ng mga trigonometric surveys mula sa lahat ng mga datum ay pinagsama-sama nila hanggang nabuo ang tinatawag na Luzon Datum of 1911.



Luzon Datum of 1911



Ang origin, simula o pinakagitna ng Luzon Datum of 1911, ay malapit sa San Andres Point na nasa Datum Station Balanacan. Ang longitude at latitude nito ayon sa orihinal na tala ay: “F o = 13 degrees 33’ 41.000” North, D o = 121 degrees 52’ 03.000” East of Greenwich, and the geoid/spheroid separation H o – h o = 0.34 meters”



Ang Luzon Datum of 1911 ang malawakang ginagamit na datum sa Pilipinas. Ito ang ginagamit sa lahat ng mapa na nalilimbag ng National Mapping and Resources Information Authority (NAMRIA), at ang origin ng lahat ng ito ay tumuturo ngani sa nabanggit nang lugar sa may Balanacan.



Latter-day marker na inilagay ng DENR na nagsasabi ng latitude at longitude.



Zooming out



‘Balanacan’ at ‘San Andres Point’ naman ang ginagamit sa mga teksto sapagkat ito ang mga pangalang makikita sa mapa. Subalit kung talagang gugustuhin na mapuntahan ang ‘gitna ng Pilipinas’, ay makikita ito sa pagitan ng San Andres Point at Balanacan Port. Nasa bulubunduking kagubatan ito na kung saan ang mga bahagi ng Silangan, Argao at Hinanggayon ay nagsasalubong (isa pa ngang curiosity ito), subalit matatanaw kapag ikaw ay nakasakay sa barko at malapit nang dumaong sa Balanacan.



Si Joven Lilles ng provincial assessor’s office ang unang nakapagsabi na mayroon ngang marker na itinayo doon ang mga Amerikano noong 1911, at ito ay napuntahan na niya. Kinumpirma din sa akin ng barangay captain ng Argao (Bonifacio Subil). May kahirapan nga lamang daw mapuntahan ang lugar dahil sa sukal at mga ahas na naglipana dito.



Kapag tumigil na ang tag-ulan marahil ay mainam itong mabisita kasama si Jov at ang kapitan. Ideya ni Jov na magbukas papunta doon ng isang trail at maglagay ng malaking karatula: “You are now at the Center of the Philippines”. Masisiyahan ang mga mahilig sa ecotourism, mga boy scouts at girl scouts, mga adventure seekers, at mahiligin sa souvenir shots!



NAMRIA ay naglagay din ng kanilang sariling marker sa site.



Pero kung tutuusin, parang masaya ang pakiramdam na malaman mo na ikaw ay nakatira sa sentro ng Pilipinas, hindi ba? Hindi lamang pala pang-tula at awit lamang ang mga katagang “puso ng Pilipinas” kapag Marinduque ang pinag-uusapan, na kung saan daw, ayon sa mga mistiko, magsisimula ang pagbabago ng Pilipinas. Pero saka na, ibang kuwento na ‘yun…



No comments:

Post a Comment

Followers